top of page

Ayta at iba pang Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, ayaw sa korap at mandarambong!

ree

ree

Sumama at nakiisa ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa pagtitipon ng mga Katutubong Ayta at mga lingkod ng simbahan noong Oktubre 23–24 sa Pampanga, na inorganisa ng Pamilalamu, isang samahan ng mga Katutubo at simbahan, at Mansaway, ang bagong tatag na na organisasyon ng mga Ayta.


Sa pagtitipong ito, tinalakay ang mga usapin hinggil sa pagdepensa sa sarili laban sa paglabag sa karapatang pantao. Pinagtibay din ang kaalaman sa karapatan ng mga Katutubo, lalo na sa ukol sa Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) at National Commision on Indigenous Peoples (NCIP). Lumitaw sa mga diskusyon ang hindi pagkakaiba ng karanasan ng mga Ayta sa iba pang Katutubo sa buong bansa: ang pagiging inutil at kasabwat ng NCIP sa mga mapanirang proyekto at katiwalian na patuloy na umaagaw sa lupang ninuno at kabuhayan ng mga Katutubo.

Bunga nito, nagkaisa ang mga Ayta sa isang protesta sa harap ng NCIP Regional Office sa San Fernando, Pampanga upang iparinig at irehsitro ang kanilang mga panawagan. Nagsumite rin sila ng petisyon sa NCIP para pa-imbestigahan ang mga proyektong pumapasok sa kanilang mga lupang ninuno, katulad ng mga pag-quarry at pagmimina na sapilitang nagpapalayas sa mga Ayta. Hinaharap din ng mga komunidad ang demolisyon at pagpapalayas dulot ng pagtatayo ng golf course at mga solar plant. Matingkad ang kanilang galit sa NCIP dahil sa pagtalikod nito sa tungkuling ipagtanggol ang karapatan ng mga Katutubo, at sa halip ay nagsilbing kasangkapan ng mga korporasyon at interes ng iilan.

Sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, malinaw na ang NCIP ay hindi tagapagtanggol kundi tagapagtulak ng mga mapaminsalang proyekto. Dapat itong managot sa pag-isyu ng mga maanomalyang certificates of precondition na tahasang lumalabag sa tunay na proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC). Kailangang imbestigahan ang pakikipagsabwatan nito sa mga kumpanya sa pagmimina, enerhiya, at agribusiness, gayundin ang manipulasyon sa FPIC process na nagiging daan sa pagpasok ng mga proyekto nang walang pahintulot ng mga komunidad.


Hindi rin hiwalay ang NCIP sa mas malawak na isyu ng korapsyon. Kabilang sa mga alegasyon ng korapsyon ay ang kanilang iskolarship program at ang ₱7 milyon na coffee table book na proyekto noong 2022. Habang ang mga Katutubo ay naghihirap at patuloy na ipinagkakait ang kanilang mga karapatan, ang mga nasa posisyon naman ay nagpapakasasa sa pondo na dapat sana’y para sa serbisyo at proteksyon ng mga komunidad. Hindi ramdam ng mga Katutubo kung saan pumupunta ang pondo ng NCIP, mas lalo’t humihirap lamang ang araw-araw na pagtatawid sa sarili at pamilya.


Patuloy na maninindigan ang mga Ayta laban sa korapsyon at pandarambong sa lupang ninuno. Mansaway tungo sa lupang ninuno, kabuhayan, at karapatan!


Reference: Funa-ay Claver, spokesperson


Comments


CONTACT US

National Council of Churches in the Philippines
879 EDSA, West Triangle
Quezon City, Philippines
​​
Tel: 8555-0818
Email: information@katribu.net

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2025 KATRIBU. All rights reserved.

FINAL Tangguyob DP.png

Follow Tangguyob, an innovative audio-visual platform dedicated to amplifying Moro and Indigenous Peoples' issues and campaigns in the Philippines, on Youtube & Tiktok!

  • YouTube
  • TikTok
bottom of page