top of page

Makatarungan ang ating paglaban: Lupang ninuno, depensahan!

Writer: Katribu Nasyunal
Katribu Nasyunal
3 days ago
2 min read

Pahayag ni Funa-ay Claver, Secretary General ng KATRIBU, sa protesta ng ika-17 ng Septyembre sa Camp Crame



"Sa mga kapulisan na nanonood, na naririto sa loob ng Camp Crame, ipinaaalala naming mga Katutubo sa inyo na makatwiran ang pagprotesta, mas lalo na para sa mga Katutubong kumakaharap sa malawakang pang-aagaw ng lupang ninuno. Sa inyong bawat pagsunod sa dikta ng pasistang estado at ng kasabwat na mga korporasyon, aktibo ninyong nilalabag ang aming karapatang magprotesta, karapatan sa lupang ninuno, at karapatan sa sariling pagpapasya.


Ang pagbabarikada, pag-oorganisa, at pagtutol sa mga mapanirang pagmimina, tulad ng ating nakikita ngayon sa Kasibu, sa Mankayan, Palawan, at sa iba pang mga pamayanan, ay hindi krimen, kundi paggiit sa mga karapatang ito. Ngunit, sa mata ng isang estado na uhaw para sa tubo, at atat na atat na magpakatuta sa atas ng mga korporasyon, ang paggiit sa mga karapatang ito ay isang hadlang.


Mas lalo kay Marcos Jr., na numero unong tuta ng dikta ng Imperyalismong US, ang pagtutol naming mga Katutubo sa mga proyektong magsisilbi para sa kanyang amo ay isang balakid na dapat tapusin. Sinasabatas ni Marcos Jr. ang iba’t ibang mga klaseng programa, polisiya, na layuning pabilisin ang pagpasok ng mga mining projects para sa mga critical minerals na siyang pangangailangan ng Estados Unidos. Sinasalamin ito ng kanyang EO 122 na mag-aalay ng ating mga likas-yaman at lupa para sa supply chain ng US, at mas lalo na ang Pax Silica Initiative.


Kaya naman, ang US-Marcos ay sumasandig sa panunupil para makuha ang kanilang gusto: dinudurog nito ang ating mga barikada, kinukulong ang mga lumalaban, nagpapataw ng mga gawa-gawang kaso, at tinatawag na terorista tayong mga Katutubo. Ang pasistang PNP, kasama na rin ang berdugong militar, ang siyang instrumento ng estado sa pagtataguyod nito.


Ginagamit na rin ang ahensyang may mandatong protektahan ang karapatan ng mga Katutubo, ang NCIP. Ang kanilang pasikreto, hindi malinaw, at hindi nakonsultang pag-revise ng FPIC guidelines ay magreresulta lamang sa pagmamadali ng mga prosesong nagtitiyak na napakikinggan ang hinaing ng mga Katutubo sa harap ng mga proyektong nais pumasok. Lantad na lantad ang pagpanig ng NCIP sa mga korporasyon, sa Pax Silica, at sa interes ng mga ganid, mas lalo at nanatili pa rin silang matalik na kaibigan ng PNP, AFP, at ng NTF-ELCAC.


Ngunit, hangga’t nirerespeto ang aming karapatan sa sariling pagpapasya, hindi tuluyang mapapatahimik ng estado ang mga Katutubo. Ang aming buhay ay nakasalalay sa mismong lupang nais dambungin, kaya naman ang aming galit at paglaban ay hindi huhupa hangga’t may tunay na pagrespeto sa aming mga karapatan. Iyan ang alalahanin ng mga instrumento ng estado tulad ng PNP, na habang kayo ay nasa kasaysayan bilang mga sunud-sunuran sa hinaing ng US-Marcos na walang inisip kundi ang sarili, kaming mga Katutubo ay militanteng lumalaban para sa lupa, buhay, at dignidad, hindi lamang ng aming sarili, ngunit ng buong sambayanang Pilipino."

Comments


CONTACT US

National Council of Churches in the Philippines
879 EDSA, West Triangle
Quezon City, Philippines
​​
Tel: 8555-0818
Email: information@katribu.net

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2025 KATRIBU. All rights reserved.

FINAL Tangguyob DP.png

Follow Tangguyob, an innovative audio-visual platform dedicated to amplifying Moro and Indigenous Peoples' issues and campaigns in the Philippines, on Youtube & Tiktok!

  • YouTube
  • TikTok
bottom of page