Mensahe ng Katribu para sa ika-26 na anibersaryo ng Moro Christian People’s Alliance (MCPA)
- Katribu Nasyunal
- Aug 19
- 2 min read
Mahigpit na pakikiisa ang ipinapaabot ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa Moro Christian People’s Alliance (MCPA) para sa ika-26 na anibersaryo ng pagkatatag nito. Isang makasaysayang yugto ang inyong narating, dalawampu’t anim na taon ng tapat na paglilingkod, paglaban, at pakikiisa sa Moro, Katutubo, at iba pang api at pinagsasamantalahan.

Bilang Pambansang Minorya, magkaugnay ang laban ng mga Katutubo at Moro. Kapwa tayo nakararanas ng pang-aagaw sa lupang ninuno at teritoryo, kapwa pinagkakaitan ng karapatan sa sariling pagpapasya, at kapwa biktima ng diskriminasyon at panunupil ng estado.

Sa mahabang panahon ng pakikibaka, hindi matatawaran ang naging papel ng ating mga kapatid na Kristiyano na tumindig kasama ng Moro at Katutubo sa ilalim ng MCPA. Makasaysayan at mahalaga ito sa pagbasag sa sobinismong Kristiyano at patunay na sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya, pinipili nating magkaisa para sa mas malawak na pakikibaka.
Sa loob ng 26 taon, naging matatag na katuwang ang MCPA ng Katribu. Magkasama tayo sa mga kampanya para sa karapatan ng mga Katutubo at Moro, sa makasaysayang Lakbayan na dinaluhan ng libu-libong mamamayan, at sa pagtatatag ng Sandugo – Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination noong 2016. Nagpatuloy ang Lakbayan noong 2017, sa gitna ng pagbomba sa Marawi at deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.
Humarap tayo sa iba pang mabibigat na hamon. Ang pagsuspinde ni Rodrigo Duterte ng peace talks, ang pagkatatag ng NTF-ELCAC sa ilalim ng EO 70, at ang pagpasa ng Anti-Terrorism Act na nagpalala ng red-tagging, terrorist-labelling, pambobomba, at iba’t ibang anyo ng paglabag sa karapatang pantao upang itaboy tayo mula sa ating mga lupain. Walang pasubali ring ipinagpatuloy ito ni Marcos Jr. simula ng kanyang termino.
Mabigat, mapanganib, at madugo ang ating kinakaharap. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, napatunayan na mas pinatitibay ng pagsubok ang ating pagkakaisa. Sa bawat pagbagsak ng bomba, sa bawat red-tagging at pananakot, mas tumatatag ang ating panata at pagkakaisa. Nangangako ang Katribu na lalo pang pagtitibayin ang pakikipagkapatiran sa MCPA at sa Mamamayang Moro. Sapagkat alam natin na makatarungan at makabuluhan ang ating laban para karapatan sa lupa at teritoryo, sariling pagpapasya, at makatarungang kapayapaan.
Mabuhay ang MCPA sa ika-26 anibersaryo! Tuloy-tuloy ang laban!




Comments