Pahayag ng Katribu sa Pangatlong Taon ni Marcos Jr. Bilang Presidente
- Katribu Nasyunal
- Jun 30
- 2 min read
Tatlong taon nang namumuno ang rehimeng US-Marcos sa sambayanang Pilipino, tatlong taon na tayong nakakaramdam ng papatinding paglabag sa ating karapatang pantao, lalo na sa ating karapatang ipagtanggol ang ating mga sarili.


Sa komunidad ng mga Katutubo, ramdam ang pinakamasahol na paggamit ni Marcos Jr. sa mga militar bilang instrumento ng panunupil at pang-aapi. Dahil sa kahirapan, pagsasamantala, at pang-aagaw ng lupain na nararanasan ng mga Katutubo, likas at makatwiran ang aming paglaban sa karahasan at pag-oorganisa ng aming sarili para ipagtanggol ang aming lupang ninuno at mga karapatan. Alam na alam ito ni Marcos Jr., dahil noong pinatay ng kaniyang pasistang ama si Macliing Dulag dahil sa pagtutol sa Chico Dam, mas lalo lamang nitong binuhay ang rebolusyonaryong galit ng mga Igorot hanggang sa matagumpay na pagpapatigil sa kaniyang mapanirang proyekto. Duwag si Marcos Jr. at takot siya sa lakas ng kilusang masa ng mga Katutubo, kaya’t dumudulo siya sa pinakamasahol na pamamaraan ng panunupil gamit ang militar.
Sa kaduwagan ni Marcos Jr., ginagamit niya ang militar at NTF-ELCAC sa pagpaslang ng mga inosenteng katutubong kabataan na tulad nina Coonie Cuba at Jay-el Maligday, sa pagpataw ng mga gawa-gawang kaso sa mga tagapagtanggol ng mga karapatan ng Katutubo, sa pagkulong sa mga nagsusulong ng mga usapang pangkapayapaan tulad nina Ka Filiw Naogsan at Loida Magpatoc at sa pagdakip ilalim ng kaniyang administrasyon dinakip sina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus, na hanggang ngayon ay hinahanap pa rin natin. Hindi din ligtas ang ating mga kapatid na Moro sa rehimeng ito. Noong June 23 lamang pinaslang si Ali Macalintal, isang transwoman at aktibista. Sa hanay ng Bangsamoro, walang pa ding hustisya sa pagbobomba ng Marawi, at marami ang hindi nakatanggap ng kompensasyon at hindi pa nakakabalik. Bahagya lamang ito sa kabuuang bilang ng Pambansang Minorya na dumanas ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.
Matinding panunupil muli ang mararanasan ng mga Pambansang Minorya sa pagpapatupad ni Marcos Jr. sa tinatawag na National Action Plan for Unity, Peace, and Development. Maganda itong pakinggan, ngunit isa lamang itong kasangkapan sa pagpapalakas sa NTF-ELCAC na siyang walang ginawa kundi maglabag ng karapatang pantao. Ang Memorandum Circular 83 na ito ay para lang bigyang-katwiran ang mga paglabag sa karapatang pantao ng iba pang mga aktibistang nag-aalay ng oras at lakas para sa pagpapalaya ng sambayanang Pilipino.
Duwag, inutil, at pasista si Marcos Jr. sa pagpapataw ng ganitong polisiya sa halip na tugunan ang mga ugat ng pakikibaka at armadong tunggalian. Nakikita ni Marcos Jr. na namamatay sa gutom, hirap, at karahasan ang sambayanang Pilipino, ngunit pinipili pa rin niyang solusyunan ito gamit ang mas matinding karahasan—hindi lamang dahil sa wala siyang alam, kundi dahil hindi ito ang magsisilbi sa kaniyang mga interes.
Kaya’t hangga’t hindi napapanagot ang rehimeng US-Marcos, paulit-ulit tayong magpapanawagan para sa hustisya sa lahat ng kaniyang mga biktima ng NTF ELCAC at ng kanyang rehimen. Hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Marcos Jr! Ibasura ang National Action Plan for Unity, Peace, and Development! Ibasura ang Anti Terror Act of 2020! NTF ELCAC, Buwagin!
Reference: Funa-ay Claver, spokesperson
Commentaires