top of page

Pahayag ng Pakikiisa sa Mangyan Day 2025

Updated: Apr 22

Mainit na pagbati mula sa Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa inyong pagdiriwang ng Mangyan Day!


Isang malaking pagsaludo sa Repungpungan Amayan Iraya Pag Abra de Ilog (RAIPA) — samahan ng mga Katutubong Mangyan-Iraya sa Abra de Ilog — sa pangunguna sa selebrasyong ito. Gayundin, saludo kami sa iba't ibang organisasyon, simbahan, at institusyon sa Timog Katagalugan na naging katuwang sa matagumpay na Mangyan Day.


Ang tema ng ating pagtitipon ay napapanahon at makabuluhan: "Karapatan, Kabuhayan, Kultura, Kalikasan, Kinabukasan, Ipaglaban Kasama ang Sambayanan!"


Tunay na hindi maaaring matamo ng mga Katutubong Mamamayan ang ganap na tagumpay sa laban para sa lupaing ninuno at sariling pagpapasya kung wala ang malawak na suporta at pakikiisa ng iba pang inaapi at pinagsasamantalahan. Ang ating pakikibaka ay hindi hiwalay sa laban ng sambayanang Pilipino para sa tunay na pambansang demokrasya at kaunlaran. Bilang bahagi ng mas malawak na lipunang Pilipino, may mahalagang papel tayo sa pagkamit ng kinabukasang may kalayaan at katarungan para sa lahat.


Sa harap ng matinding panunupil—militarisasyon, pagbobomba sa ating mga pamayanan, pagpatay, pagdukot, at pagkulong sa gawa-gawang kaso — ipinapataw sa atin ng estado at ng naghaharing uri ang mapanlinlang at maling pagbansag na tayo ay kriminal at terorista. Ngunit hindi tayo papayag na yurakan ang ating karapatan at pagkatao.


Ang tunay na kapatiran at pakikiisa sa mga Katutubong Mamamayan ay nangangahulugan ng masusing pag-aaral at pag-unawa sa aming kalagayan at partikular na pakikibaka. Dapat nating iwasto ang diskriminasyon at maling paniniwalang ang mga Katutubo ay marumi, mangmang, o walang ambag sa lipunan. Sa katunayan, malaki ang papel namin sa pagtataguyod ng tunay na kaunlaran ng bayan. Ang aming mga lupain, likas na yaman, at kultura ay mahahalagang bahagi ng pambansang yaman at pagkakakilanlan.


Sa panahon ng matinding pagbabago ng klima, ang kaalaman at paraan ng pamumuhay ng mga Katutubong Mamamayan — nakabatay sa pangangalaga at pagpapanatili ng Kalikasan — ay higit na mahalaga. Ang ating tradisyunal na pamamaraan ng pagsasaka, pangangaso, pangingisda, at pamamahala sa likas na yaman ay isang mahalagang ambag sa pagpapanatili ng balanse ng ating ekosistema. Dapat nating ito’y patuloy na pagyamanin at ipagtanggol laban sa mga mapanirang proyekto ng malalaking korporasyon at dayuhang interes.


Ngunit hindi natin ito magagampanan kung patuloy tayong inaagawan ng lupa, nilalabag ang ating mga karapatan, at hinahayaang manaig ang mga mapanlinlang na pananaw tungkol sa ating mga Katutubo. Ang ating laban para sa lupa at sariling pagpapasya ay hindi hiwalay sa laban ng sambayanang Pilipino para sa tunay na demokrasya at hustisyang panlipunan.


Sa ating sama-samang pagkilos at paglaban, walang maiiwan! Hangga’t hindi malaya ang mga Katutubong Mamamayan, hindi magiging tunay na malaya ang sambayanang Pilipino. Magkaisa tayo sa diwa ng "Karapatan, Kabuhayan, Kultura, Kalikasan, Kinabukasan, Ipaglaban Kasama ang Sambayanan!"


Mabuhay ang Mangyan Day!

Mabuhay ang mga Katutubong Mamamayan!

Mabuhay ang sambayanang lumalaban!



Sa ngalan ng kasapian at pamunuan ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan,


Beverly L. Longid

National Convener

Comentarios


CONTACT US

National Council of Churches in the Philippines
879 EDSA, West Triangle
Quezon City, Philippines
​​
Tel: 8555-0818
Email: katribu.phils@gmail.com

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2025 KATRIBU. All rights reserved.

FINAL Tangguyob DP.png
  • YouTube
  • TikTok

Follow Tangguyob, an innovative audio-visual platform dedicated to amplifying Moro and Indigenous Peoples' issues and campaigns in the Philippines, on Youtube & Tiktok!

bottom of page