Pahayag ni Funa-ay Claver, tagapagsalita ng Katribu, ukol sa pagpapatalsik kay Sara Duterte sa naganap na pagkilos sa People Power Monument, ika-12 ng Hunyo 2025
- Katribu Nasyunal
- Jun 12
- 1 min read
Mahigpit na pinanghahawakan ng hanay ng mga Katutubo ang panawagan para sa agarang pagpapatalsik kay Sara Duterte. Kailangan panagutin si Sara sa kaniyang mahabang listahan ng kasalanan sa taumbayan, kasama na dito ang kaniyang kasalanan sa mamamayang Katutubo sa bansa.
Inaalala natin ang marahas na pagpapasara sa mga paaralang Lumad noong si Sara ay mayor ng Davao at ang kaniyang tatay ang presidente ng Pilipinas. Sa ilalim ng administrasyon ni Rodrigo Duterte hanggang sa pagka-bise presidente ni Sara, libo-libong mga kabataang Lumad ang pinagkaitan ng edukasyon, at libo-libong mga kabataang Katutubo ang pinaratangan bilang mga kriminal. Kailangan managot si Sara Duterte sa kaniyang mga binitawang mapanupil na salita ukol sa kabataang Katutubo noong siya ay DepEd Secretary. Sa halip na ibukas ang edukasyon para sa lahat at gawin itong mas inklusibo, mas lalong nilagay ni Sara sa sakuna ang mga kabataang Katutubo—silang nakakaranas na ng karahasan mula sa militarisasyon ng estado—sa pamamagitan ng panreredtag at pagkikriminalisa sa hangarin nilang matuto at maibahagi ito sa kapwa.
Hindi ligtas ang mga Katutubo sa ilalim ng pagka-bise presidente ni Sara Duterte. Kasabay ng paninira sa mga Katutubo, patuloy na nagnanakaw si Sara mula sa kaban ng bayan para sa kaniyang sarili at interes ng kanilang pamilya, at hindi nahihiwalay sa isyung ito si Marcos Jr. Bilyun-bilyon ang ninanakaw mula sa mga Katutubo; bilyun-bilyon na maaari sanang inilalaan sa pagpapaunlad sa mga batayang serbisyo sa kanilang mga komunidad.
Dapat parehong managot sina Sara Duterte at Marcos Jr. sa kanilang paglulustay sa pera ng bayan at sa pagpapatuloy ng karahasan sa taumbayan. Ang sigaw ng mga Katutubo ay patalsikin na si Sara Duterte at singilin si Marcos Jr!
Comments