Tunay na Kalayaan, Ipaglaban! Imperyalismo, Ibagsak!
- Katribu Nasyunal
- Jun 13
- 2 min read
Pahayag ni Funa-ay Claver, isang kabataang Bontok at tagapagsalita ng Katribu, sa Huwad na Araw ng Kalayaan (Ika-12 ng Hunyo 2025)
"Ngayong ipinagdiriwang ang 'Araw ng Kalayaan', ipinapaalala ng mamamayang Katutubo at Bangsamoro na huwad at hungkag ang kalayaang ito. Hindi man direkta ang panghihimasok ng imperyalismong Estados Unidos sa ating bansa ngunit nananatili ang kanilang impluwensiya at kontrol sa ating bayan, lalo na sa aming mga lupain.
Sa aming mga lupang ninuno at teritoryo, lantad pa rin ang paghahari ng Estados Unidos—winawasak ang aming kultura, sinisira ang aming ugnayan sa kalikasan, at kinikitil ang aming sariling sistema ng pamumuhay.
Hindi lamang ito mga sugat ng nakaraan. Hanggang ngayon, patuloy ang karahasang nararanasan namin. Isa sa mga malinaw na patunay nito ay ang mga EDCA site na itinatayo na sumasakop sa aming mga lupaing ninuno. Sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), inilalagay ang mga base militar ng US sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, kabilang ang lupa ng mga Katutubo at Moro. Sa bawat base, nangyayari ang militarisasyon na may kaakibat na paglabag sa karapatang pantao—mula sa pananakot at sapilitang pagpapalayas sa amin sa sarili naming lupa.
Nariyan din ang patuloy na pandarambong sa aming mga lupain, na isinasakatuparan ng mga pribadong korporasyon at negosyo na pagmamay-ari o kontrolado ng mga dayuhan—mga indibidwal at institusyong ang tanging layunin ay magkamal ng tubo kapalit ang pagkasira ng aming lupa at ng kalikasan.
Kaya’t paano ito matatawag na kalayaan, kung kaming mga katutubo ay patuloy na inaagawan ng lupa, pinatatahimik, at kinikitil ang karapatan sa sariling pagpapasya?
Para sa amin, ang tunay na kalayaan ay ang pagkakaroon ng karapatan sa sariling pagpapasya.
Kalayaang kami mismo ang magtatakda ng aming kinabukasan, magtatanggol sa aming lupang ninuno, at mamumuhay ayon sa aming kultura, paniniwala, at sistemang pampulitika. Ito ang tunay na kalayaang hindi anino ng imperyalismo.
Kaya’t habang namamayani ang imperyalismong Estados Unidos sa ating bayan at sa buong daigdig, lalaban at lalaban ang mamamayang Katutubo at Moro!
Patuloy naming igigiit ang aming mga karapatan, sapagkat ito ay makatwiran at makatarungan."
댓글