top of page

ITIGIL ANG SAPILITANG PAGPAPALAYAS SA SITIO MAINANG!

Writer: Katribu Nasyunal
Katribu Nasyunal
18 minutes ago
2 min read

Mariing kinokondena ng KATRIBU ang nakaambang demolisyon sa mga tahanan ng mga residente sa Sitio Mainang, Brgy. San Nicolas, Bamban, Tarlac nakatakdang isagawa ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Noong Oktubre 12, nakatanggap ng notice mula sa BCDA si Alfredo Cortez, residente ng Sitio Mainang, na magsasagawa sila ng demolisyon sa kanilang komunidad sa kabila ng panawagan ng mga mamamayan na igalang ang kanilang karapatan sa lupa, tahanan, at kabuhayan.


Ang nakaambang demolisyon ay malinaw na panghihimasok at pangangamkam ng lupang matagal nang tinitirhan at sinasaka ng mga residente upang bigyang-daan ang interes ng malalaking korporasyon. Iniuugnay ito sa mga planong proyekto sa lugar, kabilang ang posibleng solar farm ng Sunray Solar Power Inc. Binabalewala ng BCDA maging ang resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Bamban noong Hulyo 8, 2026 na nananawagang ipaabot sa Office of the President at ipagpaliban ang usapin hinggil sa lupain.


Hindi hiwalay na insidente ang nagaganap sa Sitio Mainang. Bahagi ito ng mas malawak na pangangamkam ng mga lupain sa Gitnang Luzon para sa mga military reservation, economic zone, proyektong pang-enerhiya, at iba pang imprastrukturang nagsisilbi sa interes ng dayuhan at malalaking negosyo. Ang mga paglabag ng BCDA sa karapatan ng mga residente ay bahagi ng paghahanda at pagbubukas ng mga lupain para sa mga proyektong gaya ng Luzon Economic Corridor at Pax Silica. Sa ngalan ng investment at tinatawag na kaunlaran, ipinagkakait sa mamamayan ang kanilang lupa at kabuhayan habang pinatitindi ang panghihimasok ng Estados Unidos at militarisasyon sa ating mga komunidad.


Naninindigan ang KATRIBU na ang demolisyon sa Sitio Mainang ay paglabag sa karapatan ng mga residente at isang anyo ng pandarambong sa lupa. Hindi maaaring gawing pambayad sa mga dayuhang investment ang tahanan at kabuhayan ng mamamayan. Panagutin ang BCDA sa mga paglabag sa karapatang pantao! Itigil ang demolisyon sa Sitio Mainang! Ipaglaban ang karapatan sa lupa, tahanan, at kabuhayan!


Reference: Funa-ay Claver, Secretary General, KATRIBU

Comments


CONTACT US

National Council of Churches in the Philippines
879 EDSA, West Triangle
Quezon City, Philippines
​​
Tel: 8555-0818
Email: information@katribu.net

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2025 KATRIBU. All rights reserved.

FINAL Tangguyob DP.png

Follow Tangguyob, an innovative audio-visual platform dedicated to amplifying Moro and Indigenous Peoples' issues and campaigns in the Philippines, on Youtube & Tiktok!

  • YouTube
  • TikTok
bottom of page