top of page

Saludo Sa Tapang At Pagkakaisa Ng Mamamayan Ng Kasibu Sa Pagtatanggol Sa Kanilang Barikada Laban Sa NLMRC!

Writer: Katribu Nasyunal
Katribu Nasyunal
22 hours ago
2 min read

Mariing kinukundena ng KATRIBU ang tangkang marahas na pagbuwag ng kapulisan sa barikada ng mamamayan sa Kasibu, Nueva Vizcaya, at buong-puso naming ipinapahayag ang pakikiisa sa mga komunidad na matagumpay na nanindigan at nagpursiging ipagtanggol ang kanilang barikada laban sa panggigipit at dahas.


Sa kabila ng banta ng puwersahang dispersal at paggamit ng Temporary Restraining Order (TRO) na inihain ng North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) at Bugkalot Confederation noong Oktubre 29, hindi natinag ang mga mamamayan. Sa halip, ipinakita nila ang lakas ng sama-samang pagkilos at determinasyong ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno, kabuhayan, at kalikasan laban sa mapanirang eksplorasyon ng pagmimina.


Ang matagumpay na pagpigil sa tangkang pagbuwag sa barikada ay patunay na hindi kayang basta-basta durugin ng pananakot, dahas, at mga legal na mekanismong ginagamit pabor sa interes ng mga korporasyon ang kolektibong paglaban ng mamamayan. Ang barikada sa Kasibu ay bunga ng sama-samang pagpapasya ng mga komunidad na ipagtanggol ang kanilang kinabukasan laban sa mga proyektong nagbabanta sa kanilang lupain at kabuhayan.


Hindi hiwalay ang tangkang pag-atake sa Kasibu sa mas malawak na panunupil sa mga komunidad na lumalaban sa malakihang pagmimina sa Nueva Vizcaya. Nasaksihan din natin ang marahas na pagbubuwag sa barikada sa Dupax del Norte at ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga mamamayang tumututol sa mapanirang operasyon ng pagmimina. Ginagamit ng estado ang kaniyang kapangyarihan upang bigyang-daan ang interes ng mga korporasyon sa halip na igalang ang karapatan ng mga komunidad.


Kinikilala at sinasaluduhan ng KATRIBU ang tapang, pagkakaisa, at paninindigan ng mga mamamayan ng Kasibu. Ang kanilang paglaban ay hindi lamang pagtatanggol sa isang barikada, kundi pagtatanggol sa karapatan ng mga katutubo at lokal na komunidad na magpasya para sa kanilang lupang ninuno at kinabukasan. Ang kanilang tagumpay ay tagumpay ng lahat ng nagtatanggol sa lupa, buhay, kabuhayan, at kalikasan.


Reference: Funa-ay Claver, Secretary-General, KATRIBU

Comments


CONTACT US

National Council of Churches in the Philippines
879 EDSA, West Triangle
Quezon City, Philippines
​​
Tel: 8555-0818
Email: information@katribu.net

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2025 KATRIBU. All rights reserved.

FINAL Tangguyob DP.png

Follow Tangguyob, an innovative audio-visual platform dedicated to amplifying Moro and Indigenous Peoples' issues and campaigns in the Philippines, on Youtube & Tiktok!

  • YouTube
  • TikTok
bottom of page