Mga dating bilanggong pulitikal at Indigenous rights defenders, iginiit ang pananagutan; hinamon ang pagbasura ng Ombudsman sa mga kaso laban sa PNP
Ang mga tanim-ebidensya, pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, iligal na pag-aresto, at pagkulong, ay ilan sa mga atake ng estado laban sa mga Katutubo at aktibista. Sa kabila ng paggigiit ng mga biktima ng pananagutan mula sa estado, pinipili ng mga institusyon nito na maging inutil at pairalin ang tagibang na sistemang panghustisya.

Ang desisyon ng Office of the Ombudsman noong Hunyo 25, 2026 na i-dismiss ang mga kasong isinampa nina Julieta Gomez at Niezel Velasco laban sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) ay malinaw na halimbawa ng ganitong kalakaran. Mariing kinokondena ng KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang desisyong ito na lalong nagpapalalim sa kultura ng kawalang pananagutan sa bansa.

“Hindi katanggap-tanggap at hindi makatarungan ang pag-dismis ng Ombudsman sa qming countercharge laban sa PNP. Halos apat na taon ang aming paghihirap sa kulungan, sasabihin lang na walang pananagutan ang mga pulis sa krimen na ginagawa nila laban sa amin? Napaka inutil ng opisinang ito!” isinaad ni Velasco.
Si Julieta Gomez ay isang Manobo habang si Niezel Velasco ay isang Indigenous Peoples' rights advocate. Sila ay parehong kababaihang aktibista na ikinulong nang halos apat na taon. Lumaya sila noong Abril 2025 matapos ibasura ng korte ang mga gawa-gawang kaso laban sa kanila.
Ang countercharge nina Gomez at Velasco laban kila P/Smsgt. Jehrome D. Chico, P/Cpl. John Ronoel J. Conde, Pat. Julius Edward L. Mahinay, Pat. Mary Grail A. Waclin, at Pat. Magdalena D. Lipata, ay nakaugat sa kanilang iligal na pag-aresto noong Hulyo 16, 2021, sa pagtatanim ng ebidensya, at sa kanilang hindi makatarungang pagkakakulong. Ang mga kasong isinampa ay sumasaklaw sa criminal charges gaya ng False Testimony Against a Defendant, False Testimony in Other Cases and Perjury in Solemn Affirmation, Unlawful Arrest, at Liability for Planting of Evidence, at sa administrative charges gaya ng Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service, Grave Abuse of Authority, Grave Misconduct, at Oppression.
Sa kabila ng bigat ng mga kaso at inhustisyang naranasan nina Gomez at Velasco, sinabi ng Ombudsman na walang prima facie evidence upang patunayan ang mga reklamo, at tinawag pang “self-serving” ang mga ebidensya ng mga biktima. Sa administrative case, kinilala mismo ng Ombudsman na bigong sumunod ang ilang pulis sa mahigpit na pamantayan para sa warrantless searches, ngunit sa halip na magpataw ng parusa, admonishment o paalala lamang ang ibinigay.
Hindi maitatanggi na mismong korte sa Quezon City ang nagsabing mayroong kwestyon sa paggamit ng “plain view doctrine” ng PNP. Sa kabila ng malinaw na obserbasyon ng korte, pinili ng Ombudsman na ipagsawalang-bahala ito at ituring na walang saysay ang mga ebidensya nina Gomez at Velasco. Ang ganitong hakbang ay hindi lamang pagbalewala sa karapatan ng mga biktima, kundi pagpapalakas pa sa kapangyarihan ng mga pwersa ng estado na lumalabag sa batas.
Ang desisyon ng Ombudsman ay kawalan ng pananagutan ng mga ahente ng estado sa kanilang mga paglabag sa karapatang pantao. Sa karanasan ng mga Katutubo at aktibista, ang tanim-ebidensya at gawa-gawang kaso ay matagal nang ginagamit upang supilin ang pakikibaka para sa lupang ninuno at sariling pagpapasya. Ngunit kapag mga pulis at ahente ng estado ang lumalabag, sila ay pinapalusot, pinoprotektahan, at binibigyan lamang ng simbolikong admonishment. Ang ganitong kalakaran ay nagpapakita kung paanong madaling baluktutin ang rule of law upang pagtakpan ang mga paglabag ng estado at ng mga galamay nito.
“Ang opisina ng Ombudsman ay nagpapakita lamang na tagapagtanggol ng mga totoong mga berdugo at kriminal na mga pulis at militar,” dagdag ni Velasco.
Ang Motion for Reconsideration na inihain nina Gomez at Velasco ngayong Oktubre 12, 2026, ay mahalagang hakbang upang hamunin ang desisyon ng Ombudsman at igiit ang pananagutan ng PNP. Ang laban nina Gomez at Velasco ay laban ng lahat ng Katutubo at mamamayan na patuloy na dinudurog ng kultura ng kawalang pananagutan. Ang simpleng admonishment ay hindi sapat na tugon sa malinaw na paglabag sa karapatan. Ang tunay na hustisya ay makakamtan lamang kung pananagutin ang mga pulis na sangkot at kung titigil ang sistematikong pang-aabuso ng estado.
Nananawagan ang KATRIBU sa mga Katutubo, sa mga organisasyon ng karapatang pantao, at sa mga mamamayan na kondenahin ang ganitong klaseng desisyon ng Ombudsman. Panagutin ang PNP sa iligal na pag-aresto at pagkulong kina Gomez at Velasco. Itigil ang kultura ng kawalang pananagutan na patuloy na nagbubunga ng pang-aabuso sa karapatan ng mamamayan. Itaguyod ang karapatan ng mga Katutubo at aktibista na mamuhay nang mapayapa, ligtas, at may dignidad. #
Reference: KATRIBU Public Information Desk | information@katribu.net




Comments