MILITAR SA MINDORO, PALAYASIN!
Mariing kinokondena ng KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang brutal na pambubugbog kay Minggo Baringay, isang Katutubong Mangyan-Hanunuo, ng mga sundalo ng 4th Infantry Battalion, Philippine Army noong ika-21 ng Setyembre sa Brgy. Waygan, Mansalay, Oriental Mindoro, gayundin ang paghalughog sa kanyang tahanan at pananakot sa kanyang pamilya.
Mariin ding kinokondena ng KATRIBU ang bigong pag-protekta ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang biktima. Sa halip na tiyakin ang kanyang kaligtasan at itulak ang pananagutan sa mga sangkot, hinikayat pa ang pamilya na makipag-areglo sa mismong mga inirereklamong nangbugbog, nanghalughog sa kanilang tahanan, at nanakot sa kanila.
Ang insidenteng ito ay malinaw na nagpapakita kung paano ginagamit ang mga walang batayang pagbibintang na sila ay kasapi ng CPP-NPA upang bigyang-katwiran ang panggigipit at militarisasyon ng mga pamayanang Katutubo. Dahil sa ganitong mga insidente, walang mabuting naidudulot ang presensiyang militar sa mga pamayanan ng Mangyan at iba pang Katutubo.
Ngayong buwan ng mga Katutubo, aming binibigyang-diin ang mga panawagang itigil ang militarisasyon sa mga pamayanang Katutubo. Palayasin ang militar sa lupang ninuno at igalang ang karapatan ng mga Katutubo na mamuhay nang mapayapa, ligtas, at may dignidad sa kanilang sariling lupain.
Reference:
Beverly Longid
National Convener
KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas




Comments