Pagpupugay sa Matagumpay na Lakbayan at Kampuhan ng mga Katutubo! Makibaka, Huwag Matakot!
Matagumpay ang ating Lakbayan at Kampuhan sa kabila ng pananakot, iligal na pag-aresto, at marahas na dispersal. Buong tapang nating ipinarinig nang malakas at malinaw ang ating pagtutol sa Pax Silica at sa pagbisita ni Trump sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng ating sama-samang pagkilos at protesta, kinondena natin ang pagbisita ni Trump, at hindi natuloy ang planong paglagda sa kasunduang Pax Silica sa pagitan nina Trump at Marcos Jr. Ang tagumpay na ito ay bunga ng ating militanteng pagkilos at kolektibong pagkakaisa. Bigyan natin ang ating mga sarili ng masigabong palakpakan para sa tagumpay na ito! Taas-kamao at mainit na pagpupugay sa ating lahat.
Ipinapaabot ng KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang pinakamalalim nitong pasasalamat sa lahat ng naging bahagi sa matagumpay na pagsasakatuparan ng Lakbayan at Kampuhan. Sa mga Katutubong mamamayan, mga kaalyado, advocates, at mga organisasyong sama-samang lumahok sa pakikibakang ito. Lubos nating kinikilala ang mga komunidad ng mga Katutubo na naglakbay mula sa kani-kanilang mga lalawigan mula sa Cordillera, Mindoro, Palawan, Negros, Rizal, Mindanao, Gitnang Luzon, at marami pang iba pang bahagi ng bansa upang dalhin ang kanilang mga pakikibaka at panawagan hanggang sa Metro Manila.
Gayunpaman, ang pagpapaliban sa paglagda sa Pax Silica ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos ng ating laban. Nananatili ang mga kalagayang nagbuklod sa atin. Patuloy na nakararanas ang mga Katutubong komunidad ng pambansang pang-aapi, panghihimasok ng mga dambuhala at mapanirang korporasyon, militarisasyon, at mga banta sa ating mga lupang ninuno at kabuhayan.
Hindi pa tapos ang laban dahil patuloy pa rin nating hinaharap ang pang-aagaw ng lupa dahil sa mga minahan at renewable energy projects. Ang iba’t ibang infrastructure projects din ay namamayagpag kahit walang maayos na FPIC process. Sa ating pakikibaka at paglaban sa mga inhustisyang ito, ang tugon sa ating mga komunidad ay gawa-gawang kaso, terrorist designation, militarisasyon, pagbobomba, at iba pang paglabag sa ating mga karapatang pantao.
Ipinapaalala ng mga pakikibakang ito na hindi maaaring magtapos ang ating laban sa mga lansangan ng Maynila. Dapat nating higit pang palakasin ang ating mga kilusan sa kanayunan, kung saan patuloy na ipinagtatanggol ng ating mga komunidad ang kanilang lupa, buhay, at mga karapatan. Nananawagan tayo sa ating mga kapwa Pilipino, lalo na sa kabataan at mga advocates, na magtungo sa kanayunan at maglingkod sa mamamayan sa anumang paraang kaya nila. Dalhin natin ang pagkakaisang nabuo sa Lakbayan at Kampuhan tungo sa tuluy-tuloy na pag-oorganisa, gawaing pangkomunidad, at sama-samang pagkilos.
Taos-puso rin nating pinasasalamatan ang lahat ng mga tumulong, Katutubo man o hindi, sa loob at labas ng bansa, na nagbahagi ng inuming tubig, pagkain, at iba pang mga pangangailangan para sa mga kalahok ng Lakbayan sa buong panahon ng Kampuhan. Ang inyong bukas-palad na suporta at pakikiisa ang nagbigay-lakas sa ating mga delegado at nagpaalala sa atin na magkakaugnay ang ating mga pakikibaka. Lubos tayong naaantig sa malawak na suporta at malasakit na ipinakita ng lahat ng nakipagkaisa sa atin.
Ang pagpapaliban sa paglagda ng Pax Silica ay isang tagumpay, ngunit nagpapatuloy ang pakikibaka. Dalhin natin ang pagkakaisa, katapangan, at militansyang ating binuo sa Lakbayan at Kampuhan. Manatili tayong matatag sa pagtatanggol sa ating mga lupang ninuno, sa paggigiit ng ating mga karapatan, at sa paglaban sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala.
Makatarungan ang ating paglaban! Mabuhay ang Katutubong Mamamayan!
Reference:
Funa-ay Claver, Secretary General




Comments