top of page

Pahayag ni Sarah Alikes Tungkol sa Pagbasura ng RTC Branch 78, Baguio City, sa Petisyon para sa Certiorari at Prohibition

Writer: Katribu Nasyunal
Katribu Nasyunal
6 days ago
5 min read

Magandang araw sa ating lahat!


Ako si Sarah Abellon-Alikes, isang Igorot, isang aktibista. Isa ako sa apat na lider ng Cordillera Peoples Alliance na binansagan nitong gobyerno na “terrorist individual” daw sa gamit ang bisa ng Anti-Terrorism Act na naging batas noong 2020. Bago pa nitong designation na ibinaba noong 2003, kaming apat at ang iba pang kasamahan sa CPA ay biktima ng tuloy-tuloy na red-tagging, surveillance, paninira, panggigipit. Ilan sa amin ay matagal na sinuyo upang mag-cooperate daw sa gobyerno para sa “peace and development”. Sino ba ang ayaw sa kapayapaan at pag-unlad? Pero ang gusto pala nilang sabihin ay ipagkanulo ang kilusan ng protesta ng mamamayan laban sa mga mapanirang proyekto at programa at mga mga di-makaturangang batas at polisiya ng gobyerno. Hindi kami tumigil sa aming pagkilos, bawat isa sa amin ay nasampahan ng iba’t ibang gawa-gawang kaso sa mga korte. Sa karanasan ko, siyam na gawa-gawang kaso ang isinampa sa akin sa iba’t ibang korte sa Hilagang Luson, ang huli ay isang kaso ng terrorist financing na dininig sa anti-terrorism court sa Urdaneta, Pangasina. Lahat ng mga kasong ito ay na-dismiss o na-acquit. Walang sapat na basehan ang mga alegasyon laban sa amin. Pero nagpapatuloy pa itong kaso ng designation.



Sinunod namin ang mga proseso at remedies na nakasaad sa batas para sa kaso ng designation. Pormal naming hiningi ang pagtanggal sa designation dahil wala namang patunay ang kanilang alegasyon. Ayon sa batas ay isampa ang ganitong request sa ATC, na siya mismo ang laglabas sa designation. Tinanggihan ang aming request. Kaya sinampa namin ang petisyon sa RTC para ipasawalambisa ang designation. Nalabag ang aming Karapatan sa due process nang hindi kami nasabihan sa desisyon ng designation, hindi kami binigyan ng pagkakataong sagutin ang mga alegasyon sa amin, at walang inilahad na pruweba na kami nga ay terorista. Kinuwestyon din natin ang constitutionality ng probisyon ng batas na pinagbatayan ng kanilang desisyon dahil linabag nito ang mga karapatan namin sa due process at iba pang karapatan na nakasaad sa Saligang Batas. Tinanggihan ang ating petisyon. Ito ang inaapela natin ngayon sa Court of Appeals.


Bagama’t sinusunod natin ang tinakda ng batas na mga proseso, hindi naging madali ang lahat para sa amin. Hindi na naming nagagawa ang dati naming ginagawa at ang mga gusto sana naming gawin. Nalimitahan ang aming pagkilos. Kailangan maging mapili sa mga dinadaluhang aktibidad sa pag-aalalang baka ma-implicate ang iba sa aming pakikilahaok. May pag-aalala sa malayang paggalaw dahil sa takot sa seguridad at sa epekto sa ibang taong nakakaugnayan. Dahil naging ligal ang surveillance sa isang nadesignate, hindi na kumporme ang ginagabi o bumibiyaheng mag-isa, lalo at mayroon nang mga kaso ng mga aktibistang dinukot o pinatay sa byahe. Nagdulot ang designation ng takot at stress hindi lamang sa aming apat Kundi pati sa aming mga pamilya at kapwa aktibista at sa mga komunidad namin.


Habang dinidinig ang designation ay nagpatuloy ang red-tagging, harassment at surveillance sa amin, maging sa mga panahon ng hearing sa korte. Karaniwan ang nagnanakaw ng litrato at bidyu sa mga dumadalo sa mga hearing, bagay na naglalagay sa peligro sa aming mga abogado, para-legal, mga kamag-anak at kapwa aktibista na dumadalo sa mga hearing. Sa isang hearing ay nahulian namin ang isang alagad ng kapulisan na pumasok na mayroong sukbit nab aril. Bawal ito pero nagawang lusutan ang seguridad ng Justice Hall.


Dahil sa designation, na-freeze ng Anti-Money Laundering Council o AMLC ang aming mga bank account, pati G-cash. Pati accounts ng kaanak naming ay dinamay pa sa dahilang maari daw naming magamit ang mga ito sa mga layuning terorista. Inipit ang limitado na ngang rekursos para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya, habang nadagdagan naman ang pagkakagastusan dahil sa mga kaso at dagdag na pangangailangan sa pagtitiyak sa seguridad. Pati ang bank account ng aming organisasyong CPA ay na-freeze din. Malaki ang epekto nito sa mga serbisyong dinadala ng CPA sa mga komunidad na kinauugnayan. Na-disturbo na ang malayang pakikilahok namin sa mga komunidad, nabawasan pa ang kakayahan naming tumulong nang mas epektibo sa mga ito dahil inipit ang rekursos para dito.


Pero ang kasaysayan ng mamamayan sa Kordilyera ay kasaysayan ng pagtatanggol at paglaban para sa lupa, karapatan, dangal at mga adhikain para sa interes ng nakararami at ng susunod na salinlahi. Nagpapatuloy itong pakikibaka sa kasalukuyan. Hindi pwedeng tumigil ito dahil nagpapatuloy ang pangangamkam sa aming mga lupang ansestral, ang pagkakait sa pampolitika at pang-ekonomiyang hustisya, ang paulit-ulit at lumalawak na pagyurak sa aming karapatan bilang tao at bilang katutubo. Pilit ipasok ang mga mapanirang dam, minahan at ibang proyektong nakakasira sa kalikasan. Nagpapatuloy ang pagkasira kalikasan na saligan ng aming kabuhayan at buhay bilang mga katutubo, sa ngalan ng ganansyang kapital na hindi naman kami o ng samabayanan ang nakikinabang. Nagpapatuloy pa rin ang militarisasyon sa kanayunan, ang pekeng pagpapasurender ng mga sibilyan, ang pananakot at panggogoyo. Patuloy din ang pakikibaka ng mamamayan. At sa nagpapatuloy na pakikibakang ito, may isang malinaw sa amin. Ang pakikibaka para sa lupa, buhay at karapatan ay hindi terorismo. Ito ay marangal at makatarungan. Ito ay nesesidad at obligasyon na dapat tanganan ng sinumang nagmamalasakit sa bayan. Mayroon kaming mga konsepto at pamamaraan sa pag-unlad ng aming mga komunidad. Epektibo ang aming pag-aalaga sa kalikasan at malalim ang aming pagmamalasakit sa kapwa at sa kinabukasan.


Pero imbes na pakinggan ang aming mga hinaing ay binibigyan-ngipin lalo ang mga batas upang kitlin ang aming mga boses at wasakin ang aming pagkakaisa at pakikibaka para sa sariling pagpapasya at tunay na kaunlaran. Imbes na makipag-aralan sa amin at harapin kami bilang kasama sa pagpapanday ng maaliwalan na buhay at kinabukasan ay itinataboy kami kapag kailangan ang aming mga lupa, rekursos at serbisyo. Malala pa ay tintuturing kaming kaaway.


Malinaw rin sa amin kung sino ang tunay na terorista. Terorista ang nangangamkam sa likas yaman ng aming mga teritoryo, ang nangangamkam sa aming lupan ansestral, ang paulit-ulit at lumalawwak na paglapastangan sa aming mga karapatan. Ito ang terorista na alipin ng mas makapangyarihang teroristang imperyalista.


Itong aming paghain ng apela sa Court of Appeals ay pagbibigay ng pagkakataon muli para subukan ang katapatan ng hudikatura at itong estado sa katotohanan, due process, at patas na paglilitis. Naway maging makatotohanan sa paghahanap sa hustisya at hindi mangayupapa sa kapangyarihan ng mang-aapi.


Gusto naming gamitin itong pagkakaton upang manawagan sa pagpapawalambisa sa ATA at Terrorism Financing Suppression and Prevention Act, at buwagin ang NTF-ELCAC. Walang naitulong ang mga ito sa amin. Bagkus linilito ang mga tao, winawasak at aming pagkakaisa, naghahasik ng takot sa mamamayan at tumutulong na nagbibigay daan sa lalong pagsasamantala at pang-aapi sa amin. I-unfreeze ang aming mga rekursos na di-makatatrungang frineeze. Nanawagan din kami na higpitan ang pagpaparusa sa nagpapatuloy na red-tagging at ibang paglabag sa malayang pagpapahayag at pagkilos, at pagtrato sa akibismo bilang terorismo.


Sa mga kapwa nakikibaka, tuloy ang laban!


Marami pong salamat.

Comments


CONTACT US

National Council of Churches in the Philippines
879 EDSA, West Triangle
Quezon City, Philippines
​​
Tel: 8555-0818
Email: information@katribu.net

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2025 KATRIBU. All rights reserved.

FINAL Tangguyob DP.png

Follow Tangguyob, an innovative audio-visual platform dedicated to amplifying Moro and Indigenous Peoples' issues and campaigns in the Philippines, on Youtube & Tiktok!

  • YouTube
  • TikTok
bottom of page