Paparating na ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Bongbong Marcos. Ngunit ano nga ba ang tunay na kalagayan ng mamamayang Katutubo at Moro sa ilalim ng kanyang administrasyon?
- Katribu Nasyunal
- Jul 27
- 4 min read
ILEGAL NA PAG-ARESTO AT GAWA-GAWANG MGA KASO
109 ang naitalang kasalukuyang bilang ng Katutubo at advocates na bilanggong pulitikal sa bansa–100 dito ay mga Katutubo at 9 naman ay mga advocate. 15 dito ay mga bilanggong pulitikal sa Kordilyera. Sangkapat (¼) naman sa 97 na naitalang bilang ng rehiyon ng Timog Katagalugan ang Katutubo.
Sa 109, 22 ang iligal na inaresto at ikinulong sa ilalim ng administrasyon ni Bongbong Marcos, kung saan ang 11 ay mga kaso sa Kordilyera.
MGA INARESTO, SINAMPAHAN NG GAWA-GAWANG KASO, AT BILANGGONG PULITIKAL SA ILALIM NG REHIMENG MARCOS JR.
Naging tampulan ng atake at gawa-gawang kaso ni Marcos Jr. ang mga Katutubo at advocate sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
• Sinampahan ng gawa-gawang kasong frustrated murder ang IP rights advocate na si Myrna “Micah” Cruz-Abraham at iligal na inaresto noong Pebrero 2025. Siya ay pansamantalang nakalaya sa piyansa, pero tuloy ang laban sa pagpapabasura ng mga walang basehang kaso laban sa kanya.
• Sa Kordilyera, si Simon “Ka Filiw” Naogsan, isang Kankanaey, spokesperson ng Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF) at peace consultant ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines), ay hinuli noong Oktubre 21, 2024 at sinampahan ng gawa-gawang kasong murder at attempted murder. Nairyan din ang Karao na si Fritz Galino, dating miyembro ng Kaiabang-CPA Benguet na ikinulong noong 2022; at si Romeo Binayon, isang magsasaka at IP rights advocate na ikinulong noong 2023. Sina Fritz at Romeo ay sinampahan ng mga gawa-gawang kasong murder at attempted murder.
• Tuloy-tuloy naman ang panawagan sa pagpapalaya kina Christopher Bohol (Dumagat) at Raymart Moneda (advocate) na ikinulong noong 2023; at kina Mario Juan (Dumagat) at mag-asawang Tiben Malan at Endelyn Malan (Mangyan-Hanunuo) na ikinulong noong 2024.
• Ang dalawang kabataang Lumad na sina Ismael Pangadas at Mawing Pangadas ay hinuli naman noong Hulyo 2022, sa isang protesta sa Davao City kasabay ng unang SONA ni Bongbong Marcos. Noong Mayo 2023, sila ay na-acquit at kalauna’y lumaya, kasama ang mga Lumad volunteer teacher na sina Lerma Lawian, asawang si Jeffrey Diagone, at development worker Elinita Elmino.
• Sinampahan naman ng gawa-gawang kasong “child abuse” sina Rep. Satur Ocampo, Rep. France Castro, at boluntaryong guro ng mga Lumad at human rights advocates, na tinaguriang Talaingod 13, noong 2024. Tuloy-tuloy ang panawagan para sa pagbabaligtad ng desisyon ng korte at hustisya sa Talaingod 13.
• Ang Manobo na si Julieta Gomez at Lumad rights advocate na si Niezel Velasco ay na-acquit mula sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives noong Abril 2025. Bagamat nakalaya, tuloy ang laban ng dalawa, partikular kay Niezel na may kinakaharap pang gawa-gawang kaso na ibinunton sa kanya gamit ang pangalang “Mary Jane Velasco”.
MGA BILANGGONG PULITIKAL NA PATULOY NA NAKAPIIT SA ILALIM NG REHIMENG MARCOS JR.
Bago pa man ang administrasyong Bongbong Marcos ay marami na ang nakapiit sa bilangguan dahil sa mga gawa-gawang kaso:
• Nariyan sina Rocky Torres at Dandoy Avellaneda, mga Dumagat na iligal na inaresto noong May 14, 2018 sa Brgy. Umiray, Gen. Nakar. Sila ay pinilit na umaming miyembro ng New Peoples Army (NPA) at nakaranas ng pantotortyur sa kampo ng militar. Kasalukuyan pa rin silang nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms.
• Sa parehong kaso kina Rocky at Dandoy, ang mga Palaw’an na sina Bener Rimbuwan at Awing Lumpat ay inaresto noong Oktubre 4, 2019. Silang dalawa, kasama ang apat pa, ay hinatulang guilty ng Puerto Princesa Regional Trial Court Branch 51 noong Disyembre 12, 2024.
• Si Benny Hilamon, isang Cuyunin, ay parte ng Romblon 4 na hinuli noong June 3, 2021 sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives. Bagamat sila ay in-acquit ng korte sa Romblon noong Nobyembre 2024, idinawit naman sila sa gawa-gawang kasong double murder sa San Jose, Occidental Mindoro.
• Si Christian Cornezo, isang Ayta sa Gitnang Luzon, ay hinuli at ikinulong naman noong 2021 sa mga gawa-gawang kasong kidnapping at arson.
• Nananatili namang nakakulong si Loida Magpatoc, matagal na tagapagtaguyod ng karapatan ng mga Lumad sa Mindanao, NDFP consultant at miyembro ng Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms (CASER). Siya ay hinuli noong Setyembre 15, 2021.
• Sina Aldeem Yañez at Emilio Gabales III ay mga taong-simbahan na masigasig na tagapagtaguyod ng karapatan ng mga Moro at Katutubo. Si Emilio ay inaresto noong Hulyo 4, 2018 habang kumakaharap pa sa dagdag na kasong 55 counts of finance terrorism noong Agosto 2022; habang si Aldeem ay hinuli noong Abril 10, 2022.
KATUTUBO AT MORO, ITAKWIL ANG KORAP, PABAYA, AT PASISTANG REHIMENG US-MARCOS!
Habang muling humaharap si Marcos Jr. sa taumbayan para sa kanyang ika-apat na SONA, dapat nating itanong: para kanino ang kanyang panunungkulan?
Ilan sa mga bilanggong politikal na mga Katutubo at advocates ay sa panahon pa ni Rodrigo Duterte, ngunit ang iskemang ito ay pinagpatuloy at pinatindi ni Marcos Jr. Patuloy na nagiging biktima ang mamamayang lumalaban para sa karapatan sa pamamagitan ng mga gawa-gawang kaso at iligal na pag-aresto. Kasama na dito ang mga matatanda at may sakit, na dapat ay hindi na nakaranas ng dagdag pahirap sa bilangguan.
Kaya ang ating panawagan, mas lalong papadagundugin habang papalapit ang SONA ng bayan. Palayain ang mga bilanggong pulitikal! Ibasura ang mga gawa-gawang kaso! Hustisya sa lahat ng biktima ng karahasan ng estado!
Comments