Paparating na ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Bongbong Marcos. Ngunit ano nga ba ang tunay na kalagayan ng mamamayang Katutubo at Moro sa ilalim ng kanyang administrasyon?
- Katribu Nasyunal
- Jul 23
- 2 min read
PAGDUKOT AT SAPILITANG PAGKAWALA
Sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Jr., patuloy ang malawakang paglabag sa karapatang pantao ng mga Katutubo at Moro. Dinukot ang Bontoc-Kankanaey-Ibaloi na si Dexter Capuyan kasama ang Indigenous (IP) rights advocate na si Bazoo de Jesus noong Abril 28, 2023; at magkasunod na dinukot ang IP rights advocate na si Felix Salaveria Jr. at aktibistang si James Jazmines noong Agosto 2024. Hanggang ngayon, nananatili silang nawawala, at patuloy ang pagdadalamhati at paghahanap ng kanilang mga pamilya.
Hindi rin nakaligtas si Steve Tauli, isang lider-Igorot mula sa Cordillera, na dinukot ng mga pwersa ng estado wala pang isang buwan matapos maupo si Marcos Jr. sa puwesto. Siya ay inilitaw kalaunan, ngunit nananatili ang banta ng sapilitang pagkawala sa hanay ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Dapat ding singilin si Bongbong Marcos sa patuloy na pagkawala ng Indigenous Peoples rights defender na si James Balao, isang Ibaloi-Kankanaey, at aktibistang si Jonas Burgos, na magkasunod na dinukot noong 2007 at 2008. Sila ay mag-da-dalawang dekada nang nawawala.
PAGPASLANG
Nagpatuloy at tumindi ang klima ng karahasan at pagpaslang sa mga aktibista at mamamayang lumalaban sa ilalim ni Marcos Jr. Isa na rito si Ali Macalintal–isang Moro, transwoman, at matagal nang tagapagtanggol ng karapatang pantao, na pinaslang noong Hunyo 23, 2025.
Sa hanay ng kabataang Katutubo, pinaslang ang mga Lumad na sina Kuni Cuba (16) at Elioterio Ugking (25), at ang Mangyan na si Jay-el Maligday (21). Pinaslang sila ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines at paramilitar nito matapos pagbintangang mga rebelde. Sa halip na batayang serbisyo, karahasan ang ibinigay sa kanila ng estado.
Ganito rin ang sinapit ni Antonio Diwayan, isang Katutubong magsasaka mula sa Kordilyera, na ipinresenta ng militar bilang napatay na miyembro ng New People’s Army sa isang diumano'y engkuwentro.
Dahil sa lumalalang atake ng estado sa mamamayang Pilipino, marami ang piniling tahakin ang landas ng armadong pakikibaka. Pinaslang ng militar ang mga Katutubong sina Kaerlan Fanagel (B’laan), Divine Sureta (Ayta-Manide), at Marife Gayadan (Mangyan-Iraya)–mga pulang mandirigmang inialay ang buhay para sa makatarungang kinabukasan ng bayan.
KATUTUBO AT MORO, ITAKWIL ANG KORAP, PABAYA, AT PASISTANG REHIMENG US-MARCOS!
Habang muling humaharap si Marcos Jr. sa taumbayan para sa kanyang ika-apat na SONA, dapat nating itanong: para kanino ang kanyang panunungkulan?
Hindi ito para sa mga biktima ng pagdukot, sapilitang pagkawala, at pagpaslang. Hindi ito para sa mga Katutubo at Moro na patuloy na pinagkakaitan ng karapatan sa lupa at sariling pagpapasya.
Kaya ang ating panawagan, mas lalong papadagundugin habang papalapit ang SONA ng bayan. Ilitaw ang lahat ng desaparecidos! Hustisya sa lahat ng inutang na dugo ng pasistang rehimeng US-Marcos Jr! Hustisya sa lahat ng biktima ng karahasan ng estado!








Comments