top of page

Personal na Pahayag ni Jennifer Awingan Tungkol sa Pagbasura ng RTC Branch 78, Baguio City, sa Petisyon para sa Certiorari at Prohibition

Writer: Katribu Nasyunal
Katribu Nasyunal
Oct 8
5 min read

Ako si Jennifer Awingan-Taggaoa. Isa ako sa apat na miyembro at liders ng Cordillera Peoples Alliance na na-designate bilang terorista sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020. Noong July 10, 2023,higit tatlong taon na ang nakalilipas, nalaman lang namin sa isang newspaper na kami pala ay na-designate bilang terorista diumano ng Gobyernong Marcos Jr.



Mahirap alalahanin ang araw na iyon. Isang masamang panaginip, isang bangungot na patuloy na lumiligalig sa aming buong pamilya.


Hindi po ako terorista. Hindi rin po ako kasapi ng anumang teroristang organisasyon. Ako ay nanay, pangalawang ate sa maraming magkakapatid ,ako po ay isang aktibista. Aktibong tagapagtaguyod ng proteksyon ng kalikasan laban sa mapanirang mga dam, mina, at iba pang mapanirang proyekto; tagapagtaguyod ng nakabubuhay na sahod ng mga manggagawa at kawani ng gobyerno; tagapagtaguyod ng mga karapatan ng katutubong mamamayan; at tagapagtaguyod ng kagalingan at karapatan ng mga magsasaka at iba pang maliliit na sektor ng lipunan. Mahigit kalahati ng aking buhay, ako'y aktibistang naghangad ng mas maayos na kabuhayan, respeto sa mga karapatang pantao, kapayapaan, at maayos na kinabukasan.


Mula noong July 10, 2023, araw-araw akong biktima ng inhustisya na dulot ng Anti-Terror Law.Araw-araw na apektado ang pamilya ko.


Arbitraryong binansagan ako/kami ng ATC bilang terorista nang walang malinaw na batayan at nang walang kaukulang due process.


Sa araw-araw mula noon, nariyan ang pangamba, nariyan ang takot sa kung ano ang mangyayari sa akin/sa amin at sa aking pamilya dahil sa bansag na terorista. Mula noon, hindi na naging normal ang buhay ko. Hindi ko na nagawa ang mga dating kong nagagawa: ang malayang makapagbiyahe, makipamuhay sa mga lokal na komunidad, maghanapbuhay, dumalo sa anumang pagtitipon, maghayag ng anumang saloobin, maging pumirma ng attendance sa mga aktibidad, at maging humingi ng tulong para sa aking kalagayan. Hindi ko na ito malayang nagagawa dahil sa pangamba na madamay pa ang iba na tumulong sa akin.


Nitong April 30, 2026, dinoble ng hukuman sa Branch 78, sala ni Judge Belmes, ang inhustisya sa amin at sa aming pamilya sa kanyang desisyong i-dismiss at ibasura ang aming mga petisyon para sa Certiorari, Prohibition, at Writ of Preliminary Injunction.


Nakakalungkot. Nakaksdismaya.


Tila walang saysay ang aming pagbibigay-tiwala sa sistema ng hustisya sa bansa.

Tila walang saysay ang aking mga salaysay tungkol sa mga naging epekto nito sa aking pagkatao dahil sa pagde-designate ng gobyerno sa akin bilang terorista.


Tila walang kuwenta sa Korte na na-freeze ang deposit account at credit cards ng aking asawa nang walang kaukulang due process.


Tila bingi ang Hukuman sa aking mga salaysay na patuloy akong na-reredtag, patuloy akong sinusubaybayan, patuloy ang takot at pangamba na nagdulot ng mga sakit na pisikal at mental sa akin.


Katunayan, ginagamit ng AFP at ng kanilang mga pseudo accounts sa Facebook ang terrorist designation para muli at lalo akong i-red-tag. Ginamit din ito para i-red-tag ang kapatid ko. Noong Dec 2025 hanggang ngayon , nagkalat sa socmed ang aking litrato at ng sa kapatid ko. Napaka-dangerous po nito para sa akin at sa pamilya ko. Isang pampublikong account at pekeng impormasyon ang ikinakalat hinggil sa aking pagkatao.


Napaka-UNFAIR po ng desisyong ginawa ni Judge Belmes , Branch 7 , Baguio City kaugnay ng aming inihaing petisyon.


The court, the sala of Judge Belmes, did not even recognize the injuries, the irreparable damage that this designation caused me, my family, and the communities that I work with.


Ang aking asawa ay hindi designated na terorista. Hindi siya akusado ng anumang krimen. Pero na-freeze ang kanyang deposit account at credit cards. Mukhang pinarusahan siya dahil lamang siya ang asawa ko. Hanggang ngayon, hindi pa rin niya magamit ang credit card niya. Hindi rin niya maisara ang mga accounts. Ang sabi ng bangko tuwing magfollow up: "Naka-AMLC freeze order pa rin”. Wala kaming magagawa.


At dahil bukas pa rin ang mga account ngunit frozen, patuloy ang bangko sa pagse-send ng notices ng annual fee, penalty sa hindi pagbabayad, at interes sa mga penalty. Sinisira ang kanyang credit record. Dinudumihan ang kanyang pangalan sa mga sistema ng pinansya.


Tinawag ito ng Korte na “temporary” at “provisional.” Karapat-dapat na tawag dito ay financial strangulation.


Bago pa man ang designation, naaresto ako at ikinulong nang ilang araw hanggang sa maaprubahan ang piyansa. Ang mga kaso ay trumped-up—imbento upang manahimik at takutin. Ibinasura ng lokal na korte ang mga kaso. Ngunit nangyari ang pag-aresto. Nangyari ang selda. Nangyari ang takot.


Sinusundan kami ng mga hindi kilalang tao. Nakatanggap ako ng mga mensaheng nagsasabing "maraming opisina ang interesado" sa akin. Nag-alok sila ng pera sa akin kapalit ng pangalan o ng cellphone number. Bumisita ang ilang opisyal ng militar sa mga kapatid ko.

Pero ang sabi ng Korte, "hindi namin na-verify" kung ang mga nananakot sa amin ay mga ahente ng estado.Paano mo i-verify ang employer ng taong sumusunod sa iyo? Paano mo i-verify kung ang tumatawag na nagbabanta ay mula sa isang hindi kilalang numero?


Ang malinaw, pinili ng Korte na hindi tumingin. Pinili ng Korte na di panigan ang epekto sa amin ng designation.Pinili ni Judge Belmes na pakinggan ang nag iisangwitness kuno na hawak ng militar.


Ang desisyong ito ng korte ay hindi lamang tungkol sa akin.


Tungkol ito sa bawat tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo, bawat tagapagtaguyod ng kalikasan, bawat manggagawa sa karapatang pantao at sa sinuman na may lakas ng loob na punahin ang kapangyarihan at tuligsahin ang korapsyon at inhustisya.


Sa ganitong pangyayari, tama ang kinatakutan ng maraming nagpetisyon sa ATL noon bago ito maging batas. Walang due process na maaasahan ang maliliit na mamamayan. Gagamitin lamang ng gobyerno ang terror law na ito upang kitlin ang karapatan ng mamamayang magpahayag at kumilos para sa pagbabago, para sa tunay na kaunlaran, para sa kagalingan at karapatan ng mamayan.


Tignan natin ang nagaganap sa aking Bayan probinsya ngayon, tuloy-tuloy ang aplikasyon ng malalaking kumpanya na magtayo ng dam at magmina ,mandambong sa mga natitirang mga rikurso . Tignan natin ang nagaganap sa mga kapatid na katutubo sa Viscaya, sa Mankayan Benguet, di ba’t tuloy-tuloy din silang kinakasuhan dahil nagpoprotesta sila sa mga dambuhalang kumpanya sa minahan at enerhiya.Patunay ito na ginagamit ng gobyerno ang mga batas nito upang supilin ang ang paglaban ng mga katutubo , at iba pang maliliit na mamayan at mga organisasyon nila para sa tunay na pagbabago.


Gayunpaman, tuloy ang ating pagkilos.Tuloy ang laban ng mamamayan kontra sa mga mapanirang proyekto sa enerhiya gaya ng dam at mapanirang pagmimina.


Hindi ako terorista. Ako ay aktibista, isang researcher at organizer ng Cordillera Peoples Alliance. Ako ay isang asawa. Ako ay isang ina. Ako ay tagapagtanggol ng karapatang pantao. At hindi ito babaguhin ng isang designation na pinili ng Korte na basbasan.


Ang CPA ay hindi terorista. Hanggat may pandarambong at pang aagaw sa lupang ninuno at rikurso nito ng estado at mga kapitalistang kumpanya, hangga’t may pang aapi, hangga’t may paglabag sa mga karapatang tao, hangga’t kinukurakot ng mga naghaharing uri ang kaban ng bayan, titindig ang Cordillera Peoples Alliance sa panig ng pinagsasamantalahang mamamayan!


Jennifer Awingan-Taggaoa

Researcher, Cordillera Peoples Alliance

Baguio City



Comments


CONTACT US

National Council of Churches in the Philippines
879 EDSA, West Triangle
Quezon City, Philippines
​​
Tel: 8555-0818
Email: information@katribu.net

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2025 KATRIBU. All rights reserved.

FINAL Tangguyob DP.png

Follow Tangguyob, an innovative audio-visual platform dedicated to amplifying Moro and Indigenous Peoples' issues and campaigns in the Philippines, on Youtube & Tiktok!

  • YouTube
  • TikTok
bottom of page