Ang laban ng Ayta ay laban ng sambayanang Pilipino! Depensahan ang lupa laban sa militarisasyon at pang-aagaw ng lupang ninuno!
- Katribu Nasyunal
- Jul 17
- 2 min read
Nakikiisa ang KATRIBU sa mga Katutubong Ayta, magsasaka, at residente ng Capas, Tarlac na patuloy na lumalaban sa militarisasyon, panggigipit, at mga proyektong nagbabanta sa kanilang lupang ninuno, kabuhayan, at karapatan sa sariling pagpapasya.
Noong Hulyo 14, muling nagmartsa ang mga komunidad upang kundenahin ang matagal nang panggigipit ng Philippine Air Force (PAF) sa mga barangay na idineklarang bahagi ng "Military Reservation Camp" at itinuring na mga "danger zone" sa paligid ng Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB). Sa ilalim ng mga patakarang ito, sapilitang nililimitahan ang pagpasok ng mga residente at pinipigilan silang magdala ng mga pangunahing materyales at suplay na kailangan para sa kanilang tahanan at kabuhayan. Ang ganitong mga restriksyon ay malinaw na anyo ng panggigipit na unti-unting nagtutulak sa mga komunidad na lisanin ang sarili nilang lupa.
Ang pagkilos ay ginanap din sa ika-79 anibersaryo ng Philippine Air Force at pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr. sa kalapit na National Academy of Sports sa New Clark City—isang malinaw na paalala na habang ipinagdiriwang ng estado ang pagpapalawak ng mga pasilidad militar, patuloy namang isinasantabi ang karapatan at kapakanan ng mga Katutubong komunidad.
Hindi kailanman nagdala ng kapayapaan ang militarisasyon sa mga Katutubong pamayanan. Sa halip, nagdudulot ito ng intimidasyon, karahasan, paghihigpit sa malayang pagkilos, at banta sa seguridad ng mga komunidad—lalo na sa kababaihan, kabataan, at mga magsasaka. Ang bawat bagong kampo, reservation, at training facility ay nangangahulugan ng higit pang pang-aagaw ng lupa, pagpapalayas sa mga komunidad, at pagkawasak ng kanilang kabuhayan. Libu-libong ektarya na ng lupang ninuno ng mga Ayta ang nawala o isinailalim sa kontrol ng estado sa pamamagitan ng mga proyektong tulad ng New Clark City at iba pang pasilidad militar sa loob ng Clark. May panibagong banta pa ang kinakaharap ng mga Ayta sa pamamagitan ng planong Pax Silica Industrial Hub, na muling naglalagay sa kanilang lupang ninuno sa panganib ng land conversion, pagpapalayas, at komersyalisasyon. Hiwalay pang usapin ang paggamit sa kanilang lupang ninuno bilang dumpsite, pagpapakita sa marahas na pagtrato at pagpapabaya ng pamahalaan sa mga Katutubo.
Mariing kinokondena ng KATRIBU ang paggamit ng militar, mga checkpoint, at mga patakarang panseguridad upang supilin ang lehitimong paglaban ng mga komunidad. Hindi dapat gawing kampo militar, larangan ng pagsasanay-pandigma, o sentro ng mga proyektong pangnegosyo ang mga lupang ninuno kung saan nakasalalay ang pangkabuhayan ng mga Katutubo. Kailangan singilin at panagutin din si Marcos Jr. bilang taksil sa mga Katutubo sa pagpasok sa Pax Silica, at siyang chief executive sa lahat ng kahirapang danas ng mamamayan.
Ang laban ng mga Ayta sa Capas ay hindi lamang laban ng isang komunidad. Ito ay laban ng buong sambayanang Pilipino laban sa militarisasyon, pang-aagaw ng lupa, at mga proyektong nagsasakripisyo sa karapatan ng mamamayan para sa interes ng iilan at ng mga dayuhang kapangyarihan.
Reference: Funa-ay Claver, Secretary-General




Comments