top of page

Apat na Taon ng Rehimeng US-Marcos: Apat na Taon ng Pandarambong at Pasismo Laban sa mga Katutubo

  • Writer: Katribu Nasyunal
    Katribu Nasyunal
  • Jun 30
  • 3 min read

Apat na taon na ang nakalipas mula nang maupo si Ferdinand Marcos Jr. bilang pangulo. Sa loob ng apat na taong ito, wala siyang naidulot sa mga Katutubong mamamayan kundi higit na kahirapan, pandarambong sa aming mga lupang ninuno, at tumitinding paglabag sa aming mga karapatang pantao.


Habang ipinangangalandakan ni Marcos Jr. ang kampanya laban sa korapsyon at binibigkas ang linyang, "Mahiya naman kayo!", siya mismo ang naghahari ng sistematikong pagnanakaw sa likas-yaman ng bansa. Sa ilalim ng kanyang administrasyon, lalong binuksan ang mga lupang ninuno para dambungin ng mga dayuhang korporasyon at malalaking negosyo. Habang nagpapakasasa sa tubo ang mga burukrata-kapitalista at dayuhang kumpanya, ang mga Katutubo naman ay patuloy na pinalalayas sa kanilang mga komunidad, nawawalan ng kabuhayan, at humaharap sa dahas ng estado sa tuwing ipinagtatanggol nila ang kanilang mga lupa.


Sa ilalim ng Philippine Mining Act of 1995 at iba pang neoliberal na patakaran, lalo pang pinalawak ng administrasyong Marcos Jr. ang operasyon ng malalaking pagmimina. Ang resulta ay patuloy na pagkakalbo ng kagubatan, pagkasira ng mga watershed, pagdumi ng mga ilog, at pagkawasak ng mga kabundukan na siyang pinagkukunan ng buhay ng mga Katutubo. 


Kasabay nito ang mabilis na pagpapalawak ng mga renewable energy projects sa ngalan ng "malinis na enerhiya" at "green transition." Ngunit para sa mga Katutubo, ang tinatawag nilang malinis na enerhiya ay marumi pa rin ang proseso—nakabatay pa rin ito sa pang-aagaw ng lupang ninuno, paglabag sa Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), at militarisasyon ng aming mga komunidad.


Sa Cordillera, kung saan matatagpuan ang mahigit isang daang mining tenements, ginamit pa ang Anti-Terrorism Act upang i-target at i-red-tag ang mga lider-Katutubo na nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno. Sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, iligal na inaresto ang mga Katutubong nagbarikada laban sa pagmimina ng Woggle Corporation. Sa Olongapo, sinalanta ng malawakang solar project ang mga komunidad ng Ayta sa Gordon Heights, Old Cabalan, New Cabalan, at Sta. Rita sa pamamagitan ng pagkawala ng kabuhayan, limitadong akses sa likas-yaman, at paglabag sa kanilang karapatan sa FPIC. Mariing tinututulan ng mga magsasaka at Katutubo ang mga offshore wind projects sa Ilocos Norte na siyang nagdadala ng matinding sumisira sa saribuhay ng katubigan at nagbabanta sa kanilang kabuhayan.


At saanman ipinapasok ang mga mapanirang proyektong ito, kasunod ang militarisasyon. Ang mga Lumad ng Talaingod na tumutol sa pagmimina sa Pantaron Range ay nakaranas ng matinding militarisasyon at pagbabanta. Sa Mindoro, paulit-ulit na binobomba ang mga komunidad ng Mangyan sa mga lugar na may pagmimina at iba pang malalaking proyektong pang-enerhiya. Nananatiling militarisado rin ang mga komunidad ng Kalinga, Palawan, at South Cotabato na lumalaban sa pagmimina at iba pang mapanirang proyekto sa kanilang lupang ninuno.


Ito ang tunay na mukha ng pagmimina sa ilalim ng rehimeng US-Marcos—hindi kaunlaran kundi pandarahas, pagpapalayas, at paglabag sa karapatang pantao.

Kasabay nito, lalong ibinilang ni Marcos Jr. ang Pilipinas sa dikta ng imperyalismong Estados Unidos. Ang paglahok ng bansa sa Pax Silica Initiative ay malinaw na patunay ng kanyang pagiging tuta sa interes ng US. Sa gitna ng pandaigdigang agawan sa critical minerals para sa mga industriya at gera ng Estados Unidos, ang mga lupang ninuno ng mga Katutubo ang muling isinasalang sa mas matinding pagmimina.


Sa apat na taon ng rehimeng US-Marcos, malinaw na hindi kailanman naging prayoridad ang kapakanan ng mga Katutubo. Ang prayoridad nito ay ang tubo ng malalaking korporasyon at ang interes ng imperyalismong US.


Ngunit sa kabila ng apat na taon ng pasismo at pandarambong, nananatiling matatag ang paglaban ng mga Katutubo. Patuloy naming ipaglalaban ang aming lupang ninuno at ang aming karapatan sa sariling pagpapasya. Patuloy naming ipagtatanggol ang aming mga komunidad laban sa lahat ng anyo ng pang-aagaw ng aming lupang ninuno.


Sa ikaapat na taon ng rehimeng US-Marcos, muli naming isinisigaw ang aming panawagan: singilin at panagutin ang rehimen sa apat na taon ng kapabayaan, pasismo, at pandarambong sa mga Katutubo!


Reference: Funa-ay Claver, Secretary-General

Recent Posts

See All
STATEMENT | PH-American Friendship Day

PAHAYAG | Funa-ay Claver, Secretary-General ng KATRIBU, sa kilos-protesta ngayong ika-4 ng Hulyo 2026 sa Kalaw, Manila sa araw ng tinaguriang "Philippine-American Friendship Day". Nabara nga kablaaw,

 
 
 

Comments


CONTACT US

National Council of Churches in the Philippines
879 EDSA, West Triangle
Quezon City, Philippines
​​
Tel: 8555-0818
Email: information@katribu.net

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2025 KATRIBU. All rights reserved.

FINAL Tangguyob DP.png

Follow Tangguyob, an innovative audio-visual platform dedicated to amplifying Moro and Indigenous Peoples' issues and campaigns in the Philippines, on Youtube & Tiktok!

  • YouTube
  • TikTok
bottom of page