top of page

Itigil ang Demolisyon at Sapilitang Pagpapalayas sa mga Mangyan-Iraya!

  • Writer: Katribu Nasyunal
    Katribu Nasyunal
  • 6 days ago
  • 2 min read

Mariing kinukondena ng KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang iligal na demolisyon at sapilitang pagpapalayas ng Pieceland Corporation sa mga kapatid nating Mangyan-Iraya sa Sitio Malatabako, Abra de Ilog. Kasalukuyang pinapabaklas at inilalabas ang mga kagamitan ng natitirang 14 na kabahayan sa loob ng naturang sitio.


Kasunod nito ang pagpapahintulot ng Municipal Trial Court ng Abra de Ilog sa motion for execution ng Pieceland Corporation para sa pagpapaalis sa mga katutubong komunidad sa Sitio Malatabako.


Naganap ito matapos ang dalawang taon ng pambabakod ng nasabing korporasyon sa lupang ninuno ng mga Mangyan-Iraya upang pagtayuan ng mga real estate project, sa kabila ng mariing pagtutol ng mga Katutubo. Sa loob ng panahong iyon hanggang sa kasalukuyan, hindi nakatanggap ng suporta ang mga residente ng sitio mula sa gobyerno. Sa halip, ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), na dapat ay nangangalaga at nagtatanggol sa karapatan ng mga Katutubo, ay patuloy na hindi tumutugon sa hinaing ng mga Mangyan-Iraya.


Malinaw na paglabag ito sa karapatan ng mga Katutubo sa kanilang lupang ninuno, sa kanilang sariling pagpapasya, at sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC). Ipinagkait sa mga Mangyan-Iraya ang kanilang karapatang malayang magpasya at magbigay o magkait ng pahintulot sa mga proyektong may direktang epekto sa kanilang lupang ninuno at pamumuhay. Sa halip na tiyakin ang pagsunod sa FPIC, hinayaan at pinayagan ng NCIP na malabag ang karapatang ito.


Isa rin itong tahasang pagwawalang-bahala sa kanilang kabuhayan, kultura, at matagal nang ugnayan sa lupang kanilang minana at pinangalagaan sa loob ng maraming salinlahi.


Naninindigan ang KATRIBU, kasama ang mga Mangyan-Iraya, sa kanilang makatarungang laban upang ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno at mga karapatan. Nararapat lamang na panagutin ang Pieceland Corporation, ang mga ahensiyang nagbigay-daan sa demolisyon at sapilitang pagpapalayas, at ang NCIP sa kanilang papel sa patuloy na pang-aagaw ng lupa, paglabag sa FPIC, at pagpapalayas sa mga Katutubo.


Iginigiit namin ang agarang pagpapatigil sa demolisyon at pagpapalayas, ang pagkilala at paggalang sa karapatan ng mga Mangyan-Iraya sa kanilang lupang ninuno, at ang pagbibigay-hustisya sa mga pamilyang apektado ng pang-aabusong ito.


Reference: Funa-ay Claver, Secretary-General

Comments


CONTACT US

National Council of Churches in the Philippines
879 EDSA, West Triangle
Quezon City, Philippines
​​
Tel: 8555-0818
Email: information@katribu.net

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2025 KATRIBU. All rights reserved.

FINAL Tangguyob DP.png

Follow Tangguyob, an innovative audio-visual platform dedicated to amplifying Moro and Indigenous Peoples' issues and campaigns in the Philippines, on Youtube & Tiktok!

  • YouTube
  • TikTok
bottom of page