STATEMENT | PH-American Friendship Day
- Katribu Nasyunal
- 5 days ago
- 2 min read
PAHAYAG | Funa-ay Claver, Secretary-General ng KATRIBU, sa kilos-protesta ngayong ika-4 ng Hulyo 2026 sa Kalaw, Manila sa araw ng tinaguriang "Philippine-American Friendship Day".
Nabara nga kablaaw, kakadwa!
Noong Abril lamang, pumasok ang Pilipinas sa tinatawag ng US na Pax Silica Initiative—isang inisyatiba para tiyakin ang kaniyang suplay sa critical minerals at iba pang rekurso na magpapaandar sa kaniyang war machine.
Para sa aming mga Katutubo, agad naming nakikita ang Pax Silica bilang panibagong yugto ng papatinding pang-aagaw sa aming mga lupang ninuno. Dahil sa initiative na ito, posibleng dumami ang mga proyektong pagmimina sa aming mga lupang ninuno upang tugunan ang pangangailangan ng US sa nickel, copper, at iba pang critical minerals, na karaniwang nahahanap sa mga kabundukan.
Mahigit sa kalahati ngayon ng mining tenements sa Pilipinas ay nasa lupang ninuno, kaya malinaw at tiyak na ang unang tatamaan ng Pax Silica ay kaming mga Katutubo. Tulad ng karanasan ng Dupax laban sa copper mining ng Woggle, ng mga Lumad laban sa Tampakan Copper at Taganito nickel mining, at ng iba pang mga komunidad na kumakaharap ngayon ng mlitarisasyon dulot ng mga large-scale nickel and copper mining projects, ang mga mining projects na ito ay nagdudulot lamang ng kahirapan at kamatayan.
Kasabay ng Pax Silica, inanunsyo rin ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng isang 1,600 hectares na economic security zone sa New Clark City. Balak daw magtayo ng isang industrial hub na direktang nakaamba sa mga lupang ninuno ng mga Ayta. Ang ating mga kapatid din po na Ayta ang isa sa pinaka apektado sa “Luzon Economic Corridor” sa Central Luzon, kung saan sila po ay napapalayas para sa pagpapatayo ng iba’t ibang mga expansion at infrastructure projects. Sila din ang mga biktima ng abuso sa kamay ng US military, na tiyak na dadami pa ang insidente dahil sa Pax Silica Initiative na ito.
Pinasok ni Marcos Jr. ang Pax Silica Initiative nang buong kaalaman na wala itong maidudulot sa mamamayang Pilipino kundi higit na kahirapan, pang-aagaw ng lupa, at pandarambong sa ating likas na yaman. Ipinapakita ito ng administrasyon bilang pagkakataon upang paunlarin ang ating industriya at lumikha ng trabaho para sa mga kabataan. Ngunit malayo ito sa katotohanan, at lalong malayo sa tunay na pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Kinakaladkad tayo ng US sa paghahanda at pagsasagawa ng mga gera nito. Hindi po magkaibigan ang Pilipinas at Amerika, at hindi po para sa kaunlaran ng Pilipino ang Pax Silica Initiatitve. Ang katotohanan, ang inisyatibang ito ay para lang sa mga imperyalistang bansa, para sa mga malalaking korporasyong kikita sa pagtitiyak ng supply chain na ito, at para sa tutang si Marcos Jr. na walang ibang inaatupag kundi ang patuloy na pagyukod sa dikta ng US. Hindi din magkaibigan ang Amerika at kaming mga Katutubo ng Pilipinas, dahil ang imperyalismong US ang ugat ng aming kahirapan.
Kaya mula mismo sa hanay ng mga pambansang minorya, mariin naming tinututulan ang Pax Silica Initiative, at ipagpapatuloy namin ang paglaban sa imperyalismo. Ang aming laban para sa sariling pagpapasya ay kasama sa pakikibaka para sa sariling pagpapasya ng mamamayang Pilipino: labas sa dikta ng Imperyalismong Estados Unidos!




Comments